Sila ma’y Nakakapanghalina, Ikaw pa rin Pilipinas.

Masasabi kong mapalad akong indibiduwal dahil sa mura kong edad ay nakapaglakbay na ako sa ilang lugar sa labas ng ating bansa. Ang mga lugar na tinutukoy kong ito ay ang Estados Unidos, Singgapur, at Espanya. Sinuman siguro ang maglakbay sa ibang lugar ay mapapansin agad ang pagkakaiba nito sa lugar na kanyang nakasanayan – ang kaibahan nito sa bayang kanyang kinamulatan. Bukod sa mga kakaibang tanawin at klima ng mga bansang nabanggit ko, wika at kultura na marahil ang mas nakakaagaw ng aking pansin.

Napansin kong bihira akong makakita ng kalat sa daan sa tuwing ako ay naglalakad sa mga bansang aking naitala. Ikinagulat ko pa nga noong una kong naranasan sa Estados Unidos na hihingan ka na lang bigla ng pabor ng kapwa mo naglalakad na kuhanan mo raw sila ng litrato. Agad-agad pa nilang ibibigay sa iyo ang kanilang  kamera. Napaisip tuloy ako non na kung sa Pilipinas kaya nila gawin iyan ay baka itinakbo na ang kamera nila. Nakita ko rin sa bansang ito na madalang na mayron kang tagapaglingkod sa mga gawain. Kalimitan kasi ay ikaw mismo ang magliligpit ng iyong pinagkainan sa restawran at ikaw rin mismo ang kahera at tagabalot ng iyong mga pinamili sa groseri. Bakit kaya hindi natin kayang gawin rin dito iyon sa Pilipinas?

Hindi ko alam kung kami lang ngunit napansin ko rin na mas masunurin ang mga tao, partikular na ang mga Pilipinong kakilala ko, sa batas sa ibang bansa lalo na sa mga batas trapiko.  Makikita mong sinusunod talaga ng bawat isa ang mga nakasaad na alituntunin. Tulad na lamang ng limitasyon sa tulin. Makikita mong kapag may nakasaad na 70 milya kada oras, wala kang makikitang mas tutulin sa iyo kapag ang sasakyan niyo ay tumatakbo na ng 70 milya kada oras. Kapag naman may nakasaad na hinto sa mga kalye, kahit walang dumadaan ay talagang hihinto ang mga sasakyan. Dito sa Pilipinas ay mabibilang na lang yata sa daliri ang susunod sa mga ganyang kautusan. Isa nga raw ang ating bansa sa mga pinakamalalang lugar sa pagmamaneho sa buong mundo. Masyado kayang malambot ang ating pagsasagawa ng batas?

Noong kami ay nasa Singgapur, wala kaming makitang oberpass upang makatawid sa gusali na nasa tapat lang namin. Doon kasi, daang pang-ilalim ang napansin kong tamang gawi ng pagtawid. Noong una nga ay muntik pa kaming matukso na tawirin na lamang ang daan tutal ay nasa harap na rin lang namin ang gusali ngunit dahil nga nasa ibang bansa kami, dahil nga lingid sa aming kaalaman ang gawi talaga doon ng mga tao, at dahil wala ring ni isang sumusuway, ay minabuti na lang naming sumunod. Nakakabasa naman tayo ng “Walang tawiran, nakamamatay.” Ngunit, bakit hindi kaya natin iyon sinusunod dito sa Pilipinas? Sadyang matigas lamang kaya talaga ang ulo nating mga Pilipino? Bakit kaya naging ganito ang ating kaugalian?

Alam kong may siesta rin dito sa Pilipinas. Nakakamangha na lamang malaman kung gaano ito kahalaga sa kultura ng mga Espanyol. Kapag sinabing oras na ng siesta ay hindi lamang ito simpleng iglip ng Pilipino, bagkus, nasaksihan ko sa Espanya na kapag oras na ng siesta ay talagang natutulog ang lahat. Wala kang makikitang nakabukas na kahit anong pamilihan. Sabi nga nila ay nawawala raw sa mapa ang Espanya kapag oras na ng siesta. Ang ibig sabihin ba ng kultura nilang ito ay mas masipag tayong mga Pilipino sa paggawa kung ikukumpara sa kanila o mas mapagpahalaga lamang sila sa pagsunod sa kanilang nakasanayang kultura?

Batid ko rin na mas mataas ang teknolohiya ng mga bansang aking napuntahan kung ikukumpara sa Pilipinas ngunit aking kinagigiliwan na sa tuwing uuwi ako galing sa mga bansang iyan ay mayroon akong ilang bagay na nasasaksihan. Iyon ay ang gagawin rin pala natin dito ang mga kakaibang bagay na nakita roon. Tulad na lamang ng sensor sa paradahan non sa Singgapur. Mga ilang buwan makalipas noong ako ay bumalik ay naglagay na rin dito sa Pilipinas ang mga mga pamilihan o shopping mall sa wikang ingles sa kanilang mga paradahan. Kahit nga sa misang dinaluhan ko sa Estados Unidos nitong nakaraang Abril 2012 ay may ganito rin akong nasaksihan. Natutuwa ako kasi ang buong akala ko noong Abril na iyon ay iba talaga ang mga isinasagot sa katolikong misa sa Estados Unidos kaysa dito sa Pilipinas. Nahuhuli lang pala tayo. Iyon na pala kasi ang bagong salin ng misang Katoliko sa wikang Ingles. Naisagawa na pala sa kanila ang sa atin ay isasagawa pa lamang. Ibig sabihin ba nito ay nahuhuli ang ating bansa sa pagpapatupad hindi lamang sa larangan ng teknolohiya kundi pati na rin sa aspektong panrelihiyon?

Marahil ay mapapansing nahahamak ko yata ng lubos ang Pilipinas kapag ikinukumpura ko ito sa ibang bansa. Natural lamang daw na makita agad ang kapangitan ng mga bagay-bagay. Subalit, sa tingin ko naman, lahat ng bagay na sinusuri ay may dalawang mukha. Kung may kapangitan mang nakikita ay mayroon rin naman itong kagandahan.

Noong ako ay nasa Espanya dalwang taon na ang nakakaraan ay napansin ko ang hindi ko naranasan sa mga bansang Estados Unidos at Singgapur – iyon ay ang pagkakaroon ng problema sa wika. Ang wika ng mga tao sa Espanya ay Espanyol. Kakaunti lamang sa kanila ang marunong magsalita ng wikang Ingles. Buti na lamang ay nag-aral ako ng bahagya ng wikang Espanyol bago tumulak doon. Lubos kasi akong nahirapan na masabi sa mga Espanyol ang aking mga pangangailangan at saloobin. Mahirap pala talaga kapag hindi kayo nagkakaunawaan.

Ang mga hindi pagkakaunawaan na iyan ay hindi lamang litaw sa larangan ng wika kundi pati na rin sa larangan ng kultura – partikular ang pag-uugali ng mga mamamayan. Kahit na sabihin pa natin maraming kapintasan ang ating bansa – isang katotohanang maling natanggap ko na yata – ngunit hindi naman ibig sabihin niyon ay pulos kapintasan lamang ang mukhang kaya nating iharap sa ibang bansa. Kahit na maunlad ngang masasabi ang mga bansang aking napuntahan, iba naman ang kanilang pag-uugali sa ating gawi. Ang pag-uugali nila na talaga namang kaiba sa kulturang Pilipinong aking kinapamihasnan. Tulad na lamang ng paggalang sa pakikipag-usap sa matanda lalo na sa mga magulang. Hindi ko kasi kayang tawagin ang aking inay at itay sa pamamagitan ng pangalan lamang nila. Pilitin ko mang unawain ay hindi naman iyon ang naayon sa totoong pagkatao ko.

Kung ako man ay mabigyan ng pagkakataong manirahan sa ibang bansa ay mas pipiliin ko pa ring manatili dito sa Pilipinas kahit ano pang unlad ng bansa nila. Iba kasi dito sa Pilipinas. Kahit na sabihin nating mukhang mas maganda ang pamumuhay doon dahil nga mukhang mas masunurin ang mga tao at mas nakakaangat ang pangkabuuang pamumuhay ng kanilang mga mamamayan ay hindi pa rin nito matutumbasan ang sarli kong bayan. Sa tingin ko ay sa bayan ko lang talaga magiging panatag nang lubos ang aking loob. Panatag dahil alam na alam ko ang mga kalakaran sa aking kapaligiran.

Tunay ngang ang aking mga paglalakbay ay nakatulong upang mamulat ang aking murang kaisipan sa mga realidad sa buhay nang hindi lamang libro ang aking basehan. Nasaksihan ko mismo ang mga bagay-bagay na aking nabanggit at mas malalim ang aking mga natutunan. Nakita ko nga ang kagandahan ng mga bansang aking napuntahan ngunit nakita ko rin ang kahalagahan ng pananatili sa sariling tahanan. Kung gaano pala kahirap tumbasan ng kahit ano pa man ang bayang aking kinagisnan, ang bayang aking kinamulatan, ang bayang tunay ko na ngang minahal at patuloy na minamahal.

Advertisements

One thought on “Sila ma’y Nakakapanghalina, Ikaw pa rin Pilipinas.

  1. I love your patriotic attitude. I hope you can inspire others as well. Even though you already saw the beauty of other countries, you were still mesmerized by the beauty of your own country.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s