Dakilang Pag-aalay

Iskolar ng bayan. Iyan ang mga pinakamahuhusay na kabataang nagmula man sa iba’t ibang dako ng bansa’y nagkakaisa naman sa iisang layunin – ang maging sugo ng inang bayan tungo sa pag-unlad. Inaasahan sila ng kapwa nila Pilipino na sila’y magsisilbing mga pangkasalukuyang bayani. Kalakip ang suporta ng buong bansa, sila’y huhubugin pa ng husto upang asahang manguna sa pagbabalik ng dating matayog na estado ng ating inang bayan. Upang maisakatuparan ang adhikaing ito, kinakailangan nilang magkaroon ng napakasidhing pagmamahal para sa inang bayan. Nauugat ang pagkatao ng isang nilalang sa lupa niyang tinubuan. Kung talagang itinuturing na inang tunay ninuman ang lupa niyang tinubuan, mangangahulugang hindi niya ito makakayanang talikuran kailan pa man.

Totoo, napakahirap ng naatas na responsibilidad sa mga kabataang iskolar ng bayan. Kaya nga ba’y ni minsan hindi sumagi sa aking murang isipang mapapabilang pala ako sa mga mapapatawan ng isang nakararangal na titulo. Alam kong hindi madaling piliing tahakin ang mas masukal na daan. Hindi madaling mas naisin ang paghihirap sa halip na ginhawa. Hindi madaling palaging isipin muna ang iba bago ang sariling kapakanan. At lalong hindi madaling gumawa ng napakabayaning gawaing kayang magbura ng mga pagkakamali. Gayunpaman, tinatanggap ko pa rin ng buong puso ang hamong naatas sa akin.

Dati’y nga’y hindi ko maintindihan kung para saan ang mga sandamakmak na abilidad at talinong ipinagkaloob sa akin ng Maykapal. Ngayon, napagtanto ko nang ito pala’y hindi para sa akin bagkus ay para sa iba. Handa kong iaalay ang lahat ng aking abilidad, ang lahat ng aking mga gawain, ang buo kong buhay, para sa bayan kong minamahal. Magsusumikap ako ng husto, pagbubutihin ko pa lalo ang aking pag-aaral, upang maging mas handa akong gawin ang mga bagay-bagay. Alam kong sa pamamaraang iyan, tiyak na mayron akong buong pusong maiihahandog sa ating inang bayan pagdating ng araw.

Batid kong tao lang rin akong may kahinaan. Nawa’y tulungan ako ng Maykapal na manatili sakin ang mga adhikaing ito sa paglipas ng maraming panahong puno ng pagsubok. Upang hindi ako makalimot, itatatak ko ang mga layuning kong iyan sa isip, sa salita, at sa gawa. Mapagtagumpayan sana naming mga iskolar ng bayan magampanan ang paniniwala ng ating pambansang bayaning si Rizal na kaming ngang mga “kabataan ang pag-asa ng [ating] bayan”.

Advertisements

One thought on “Dakilang Pag-aalay

  1. Hindi lamang sa kamay ng kabataan nakasalalay. Nakasalalay din sa kinabukasan natin ang mga taong naging insipirasyon at nagturo sa ating maging mabuting tao. 🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s