Kailan Muling Magkakaisa?

Ayon sa diksunaryo, ang pagkakaisa ay isang paggawa ng mga taong may iisang layunin. Ang pagkakaisa ay madalas nakikita sa ating mga Pilipino kapag may kalamidad, krisis o kapag tayo ay may hinaing sa gobyerno. Isang halimbawa ng pagkakaisa ay noong panahon ng Martial Law, kung saan libo-libong mga Pilipino ang tumayo, humarap, nakipaglaban at gumawa ng hakbang laban sa katiwalian ni Marcos. Sa sitwasyon na iyon, kitang-kita natin ang iisang layunin ng mga Pilipino – ang makamit ang kalayaan mula sa pamahalaang diktadurya. Naging isang matibay na sandata ng mga Pilipino ang pagkakaisa na ito upang mapababa sa posisyon si dating pangulong Marcos. Ngunit, ngayon, kung ating titingnan ang ating lipunan, masasabi ba natin na mayroon pa ring pagkakaisa ang mga Pilipino? O may pagkakaisa lang tayo sa panahon ng krisis, kalamidad o pag-aalsa?

Bilang mga Pilipino, tungkulin nating protektahan ang kapwa nating Pilipino at ang ating bayan. Tungkulin natin mag-malasakit sa ating kapwa at sa ating bayan. Tayo ay mga tao, mga Pilipino na nagnanais na mabuhay ng matiwasay at masagana. Iisa ang ating layunin. Hindi ba ito sapat na dahilan upang tayo ay magkaisa sa pang-araw-araw nating pamumuhay? Kailangan pa ba natin makaranas ng paghihirap at pagdurusa, ng kalamidad o ng krisis?

Ang pagkakaisa ay mangyayari lamang kung may makikiisa. Ang layunin natin na mabuhay ng masaya, matiwasay at masagana ay sapat na dahilan upang tayo ay magkaisa. Hindi na natin kailangan maghintay na makaranas ng paghihirap at pagdurusa dahil sa simpleng pamamaraan, tayo ay maaaring makiisa. Makiisa tayo sa paghihirap ng iba sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga paghihirap na ating nararanasan. Huwag tayong magreklamo. Huwag tayong magpabaya. Huwag tayong tumakbo. Harapin natin ang mga bagay na nagpapahirap sa atin tulad ng ginagawa ng ibang tao. Alam natin na ang bawat paghihirap ay may kapalit na kasiyahan. Ang pagharap natin dito ay nagpapakita ng ating pakikiisa at pagkakaisa upang makamit ang kasiyahan na hangad ng bawat isa sa atin.

Ano pa ang iyong hinihintay? Hindi mo na kailangan maghintay ng kalamidad o krisis upang mapakita ang pagkakaisa. NGAYON ang tamang panahon upang muling masaksihan ang PAGKAKAISA at SA IYO ito magsisimula.

           

   

 Irah Angelica Padilla

Advertisements

4 thoughts on “Kailan Muling Magkakaisa?

  1. Bakit nga ba tuwing may krisis o kalamidad lang nagkakaisa ang mga Pilipino? Hindi ba dapat ito ay PANGARAW-ARAW. Kung nagawa natin ng isang araw, o ng isang linggo, o isang buwan. Bakit hindi natin ito ipagpatuloy nang isang buong taon? Hindi dapat natin kalimutan ang pagkakaisa at pagmamahal sa bawat isa dahil tayo ay kapwa Pilipino.

  2. Napakaganda ng iyong mga sinabi. Dapat talaga ay manaig ang pagkakaisa sa ating bayan. Pero upang makamit ang minimithi nating pagkakaisa ay dapat huwag nating unahin ang ating sariling kapakanan at sa halip ay isipin natin ang sa bayan. Mahirap ito sa simula, pero kapag natamasa na natin ang pagkakaisa ay magiging isa tayong pwersa na kahit bala ay ‘di kayang mapatumba.

  3. Paano ba magkakaisa ang ating nasyon kung ang mga taong may pera at nasa pwesto ng kapangyarihan ay nakikinabang sa pagkakawatak-watak at paghihirap ng mga tao? Sana nama’y maisip nila na mas magiging malaking problema ang mga mahihirap at hindi edukado kapag nagpatuloy ito; baka sila pa’y maging kriminal hindi buhat ng kagustuhan nila; kundi dahil sa desperasyon.

  4. Sang-ayon ako sa sinabi mong kapag panahon lang ng krisis makikita pakikipag-ugnayan ng ating bayan. Madaling makalimutan na hindi lang tayo ang naghihirap at may mga problema. Ngunit hindi nga ba mas madaling masolusyonan ang mga problema kung mayroon tayong kasama, kung tayo ay nagtutulungan at nagbibigay suporta sa isa’t isa?
    Nakakapukaw rin ng damdamin ang mga salita mong, “Alam natin na ang bawat paghihirap ay may kapalit na kasiyahan” Nakakamotivate mag-aral para sa finals!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s