Sino ang Bayani Ngayon?

Jose Rizal, Melchora Aquino, Andres Bonifacio — ilan lamang sila sa mga itinuturing na mga bayani ng ating bansa. Ang bawat isa sa kanila ay nakapagbigay ng mahalaga at natatanging kontribusyon sa kung ano ang narating ng ating bansa ngayon. Ngunit ano nga ba ang tunay na batayan para matawag na bayani? Kasing-simple lang ba ito ng paggawa ng mabuti sa kapwa nang walang hinihinging kapalit? O kasing-lalim ng pag-aalay ng sarili at pagkamatay para sa bayan? Sino na nga ba ang maituturing nating bayani sa makabagong panahon? 
 
Nabansagang mga “Bagong Bayani” ang ating mga kababayang Overseas Filipino Workers o OFW. Nararapat lamang ibigay sa kanila ang titulong ito dahil malaki ang naitutulong nila sa ating bansa partikular na sa ekonomiya. Nagtatrabaho sila sa ibayong-dagat, sa ibang kultura kaysa nakasanayan, at malayo sa kanilang pamilya. Bukod sa kabuhayan ng kanilang pamilya at pansariling kapakanan, malaki rin ang naiaambag ng mga OFW sa ekonomiya ng ating bansa. Dahil ito sa mga perang ipinapadala nila mula sa ibang bansa papunta sa Pilipinas. Malaking bahagi ito ng kabuuang kita ng ating bansa. 
 
Itinuturing din na mga bayani ang mga kababayan nating nagsisikap at tapat sa kani-kanilang trabaho at tungkulin. Nariyan ang mga guro na walang sawang nagtuturo sa panibagong henerasyon ng mga mag-aaral nang buong pasensya at naglalaan ng kanilang oras para makahubog ng isang mabuting mamamayan. Idagdag pa natin ang mga bumbero na handang pulain ang apoy sa anumang oras na kinakailangan at mga rescue volunteers na handa ring tumulong sa oras ng sakuna. Nariyan din ang mga sundalong handang ilaan maging ang kanilang sariling buhay upang protektahan ang ating bansa at ang mga mamamayan. Karapat-dapat naman silang tawaging mga bayani dahil sa mga sakripisyo na kanilang ginagawa para sa ikabubuti ng ating bayan. 
 
Maraming isyung kinakaharap ang ating bansa ngayon. Ang pinakamainit sa mga ito ay ang ukol sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel. Kinasasangkutan ito ng mga malalaking pangalan sa pulitika kasama ang maraming kongresista at ilang mga senador. Ang pinakamatunog na pangalan ay si Janet Lim-Napoles na sinasabing malaki ang kinalaman at daan sa “scam” na ito. Bilyun-bilyong piso ang nawawala sa kaban ng bayan at napupunta sa bulsa ng iilan lamang na nasa kapangyarihan. Nawawalan ng silbi ang mga buwis na ibinabayad ng mga mamamayan dahil iilan lamang din ang nakikinabang dito. Kailangan natin ng pagbabago, ng reporma sa pamahalaan. Para sa pagbabagong inaasam natin, kailangan na naman bang may isang bayaning magbuwis ng buhay para lamang sa pagbabago? Kailangan pa ba ng dahas at kaguluhan para matauhan ang mga may kapangyarihan at nasa gobyerno? Ano nga ba ang kailangan natin? Kailangan natin ng mga Pilipinong nagkakaisa at handang isigaw ang kanilang mga hinaing, mga Pilipinong nakikialam sa mga nangyayari sa bansa, mga Pilipinong walang takot na kumilos at ipahayag ang kanilang opinyon at saloobin sa mga isyung tulad nito. Sa paraang ito, ang bawat isa sa atin ay may pagkakataong maging bayani.  
 
Ngayon, ano na nga ba ang batayan ng pagiging bayani? Para sa akin, hindi mo kailangang magbuwis ng buhay o dumanas ng maraming dahas at paghihirap para maging bayani. Ang kailangan lang ay pagiging marangal at tapat sa tungkulin, patuloy na pag-aalala at pakikialam sa mga isyu at kaganapan sa bansa, at lubos na pagmamahal sa ating bayan. Ito ang mga katangian ng bayani sa makabagong panahon. 
 
Julius Anthony Sinoy
Advertisements

One thought on “Sino ang Bayani Ngayon?

  1. Ako’y sumasangayon sa huling talata. Hindi na pati naaangkop ang pagbuwis ni Jose Rizal ng buhay sa ngayon upang maging bayani. Bilang isang mamamayan, ang simpleng pagpapakita ng malasakit para sa bayan ay maaari nang maging isang pamantayan upang maituring na isang bayani. Lahat tayo ay maaaring maituring na bayani sa pamamagitan ng maliliit na bagay na nagagawa natin para sa kabutihan at ikakaunlad ng bayan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s