Nag-SONA ka ngunit kulang

Higit isanlibong araw na mula ng maluklok si Pnoy sa kanyang puwesto at humigit kumulang isanlibong araw na lamang at maghahalal na naman tayo ng hahalili sa kanyang tungkulin. Tapos na ang kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA). Ito na ang pinakamahabang SONAng ginawa ni Pnoy. At katulad ng ibang SONA na inihahatid ng mga pangulo ng Pilipinas, ito ay isang pagkakataon upang ihayag ang mga napagtagumpayan sa nakaraang taon at upang ilahad ang mga plano sa susunod na taon.

Mahaba ngunit, sa termino ng mga estudyante, sabaw. Puno ng mga istadistika tungkol sa paglago ng ekonomiya, sa TESDA, sa kalusugan ngunit nagkulang ng impormasyon tungkol sa edukasyon, agrikultura at sa sandatahang lakas. Walang inilaang konkretong plano tungkol sa mga isyung pang-teritoryo, agrarian reform, K-12 at  SUCs.

Ipinagmalaki ni Pnoy ang mga pagtitipid at paghatid ng mga serbisyo at imprastraktura nang ayon sa itinakdang plano. Naging mainit na bahagi ng SONA marahil ang mga tirada niya sa mga ahensiya at mga namumuno na umaabuso sa kanilang kapangyarihan. Ngunit tila ang aksyon na gagawin nila para sa mga isyung ito ay eksklusibo lamang sa paghahanap at pagsasampa ng kaso sa mga kurap at tila binabale-wala ang mismong pagpuksa sa ugat ng mga ganitong gawain.

Kung walang kurap, walang mahirap, iyan ang islogan ni Pnoy noong tumatakbo pa lamang siya sa pagkapangulo. Bawal na ang wang-wang, sabi naman niya noon sa isa niyang SONA bilang pagtuligsa sa mga nanlalamang sa kanilang kapwa. Mga katagang magandang pakinggan, magandang asamin at tila unti-unti naming inaatupag ng gobyerno kahit sa mabagal na proseso. Ngunit tila kinaligtaan na niyang ipabilang sa kanyang mga priority bill ngayon ang pagsusulong sa Freedom of Information Bill, isa sanang magandang batas para sa kanyang adhikaing daang matuwid.

Ito ang SONA, ang kalagayan ng bansa ayon sa pananaw ng pangulo. Marami tayong gustong marinig, gustong ipabilang sa kanyang mga sasabihin. Mahirap ngang tukuyin kung ano ba ang karapatdapat na maisali sa magiging talumpati ng pangulo. Sa huli, ang mga pangakong binitawan ni Pnoy ay mananatili lamang mga pananaw at ambisyon hanggat hindi naihahatid sa mga mamamayan.

Marahil para sa iba sa atin, hihintayin na lang ulit natin ang mga susunod na SONA upang malaman ang kalagayan ng bansa at ang mga naging aksyon ng gobyerno. Ngunit, katulad nga ng pagtatapos na ginawa ni Pnoy, bakit hindi naman natin tanungin ang ating sarili: “Ano ang iniaambag ko sa solusyon?”

– Justin Pagaduan

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s