Maging kritikal. Mag-ambag ng kontribusyon.

“Lunes na naman,” iyan na lamang ang aking nasambit nang maka­­-sakay na ako sa jeep pauwi sa tinitirhan kong boarding house. Ilang saglit lamang ay nakatanggap ako ng text mula sa aking kaibigang madalas kong kakuwentuhan tungkol sa mga bagay-bagay. Ang sabi niya’y “Eto na. Lunes na. SONA na naman. Mag-suri. Maging kritikal.” Oo nga, ang Lunes na iyon ay hindi basta-bastang Lunes lang. Dala ko ang tatak UP at hindi maaaring katamaran ang araw na iyon dahil kailangan kong marinig kung ano ang sasabihin ng humahawak ng pinakamahalagang posisyon sa bansa. At hindi sapat ang pakikinig lang; kailangang maging kritikal at tingnan kung ano ang talagang nangyayari sa ating bansa.

Muling humarap si Pangulong Aquino sa taumbayan upang ipabatid at ilahad ang kalagayan ng bansa sa ilalim ng kanyang pamumuno. Sa mahabang SONA ng pangulo, nasabi ko sa aking sarili na hindi natin maipagkakaila ang kanyang kagustuhan at determinasyon upang makamit ang pag-unlad na inaasam niya at nating lahat. Kapansin-pansin ang mga nakamit ng kanyang administrasyon. Ngunit nais ko sanang bigyang pansin ang ipinagdiinan niyang “pag-unlad” ng ekonomiya ng bansa. Tumambad sa atin ang mga ipinagmalaki niyang nakamit at nagawa ng kanyang administrasyon, kabilang na dito ang 7.8% na paglago ng gross domestic product. Ito nga’y kapuri-puri, ngunit ang paglago ng GDP ay hindi natin masasabi na tanging indikasyon sa pag-unlad ng bayan. Ang pag-unlad ng isang bansa ay hindi simpleng paglago ng yaman sa buong bansa. Ang benepisyo ng lumalagong ekonomiya ay dapat lamang na maramdaman ng lahat, ngunit kitang-kita ang huwad na pag-unlad na ito dahil sa napakarami paring nagtiis ng gutom, pagod, hampas at pagkaladkad ng mga pulis upang ipakita sa pangulo at sa taumbayan ang realidad, ang katotohanang nagaganap – laganap at mas lumalalang gutom at kahirapan. Ano nga ba ang kabuluhan ng GDP growth rate na ito sa pang-araw-araw na buhay ng mga ordinaryong Pilipino? Ano nga bang klaseng pag-unlad ang ramdam lamang ng iilan? Anong klaseng pag-unlad ang pagpapa-alipin sa malalaking dayuhang kapitalista? Kasaganahan na lamang ba palagi sa iilan, at kahirapan pa rin sa mahihirap? Ang malakas na stock market ay taliwas sa lumalalang krisis sa trabaho, ang kupad-pagong na pagpapatupad sa reporma sa lupa, at ang mala-kumunoy na kagutuman at kahirapan na patuloy na humihila paibaba sa milyun-milyong Pilipino. Nagmimistulang binibigyan pa ni Aquino ang mga tao ng mas marami pang dahilan upang lumaban at mag-martsa para sa mas mataas na sahod, disenteng trabaho at pabahay, at hustisya para sa mga karapatan. Malinaw na hindi mayorya ang nakakaramdam at nakikinabang sa pag-unlad na ito kundi ang pinakamayayamang pamilya sa Pilipinas at ang mga dayuhan. Tunay nga na mas yumayaman ang mayayaman, at mas humihirap ang mga mahihirap sa ating bayan.

Ang miserableng pamumuhay ng masa – mababang sahod, kontraktuwalisasyon, kawalan ng disenteng trabaho, kagutuman, palpak na reporma sa lupa – ay hindi pinapaksa sa kanyang SONA at  tinatakpan ng mga datos at mga ulat ukol sa “pag-unlad” na sinasabi ng pangulo. Tama, kailangang mag-suri at maging kritikal. Hindi maaaring tanggap lamang nang tanggap kung ano ang inilalahad sa atin. Malinaw na hindi sumasalamin sa tunay na kalagayan ng bansa ang State of the Nation Address ng pangulo. Hanggang kailan kaya itatago ng administrasyong ito ang tunay na kalagayan ng bansa gamit ang mga salita at numero upang bigyan ang taumbayan ng ilusyon ng isang umuunlad na Pilipinas? Marami paring mga tanong na hindi pa nasasagot, mga tanong na hindi pa nabibigyang pansin at tugon.

Upang wakasan, hindi man ako lubos na kumbinsido sa kanyang mga inilahad ay sumasangayon naman ako sa kanyang pakiusap – “Ginagampanan po ng gobyerno ang kanyang obligasyon. Tanungin din po sana natin ang ating sarili: Ano ang inaambag ko sa solusyon? Kung may magtapon sa ilog, sitahin mo sana; kung may magtayo ng building sa estero, isumbong mo na. Lalo po tayong malulubog sa problema kung magkikibit-balikat lang po tayo.” Ito ay isang napakamakabuluhang bagay para sa atin. Hindi maaaring kapintasan lamang ang ating napapansin at iasa nating lahat sa gobyerno. Mahalagang may kaalaman tayo sa problema at may maiambag din na kontribusyon sa solusyon.

If you see something, say something. If you see something, do something.

 

2012-21391

Advertisements

One thought on “Maging kritikal. Mag-ambag ng kontribusyon.

  1. You couldn’t have put it any better! Bilang mga Iskolar ng Bayan— tatak UP, kinakailangang tayo mismo ang manguna sa pagsusuri sa totoong kalagayan ng bansa. Nararapat din tayong maging kritikal sa kung anumang binabato lamang sa ating mga pakulo ng mga nasa itaas: tunay nga ba nitong natutugunan ang hinaing ng masang Pilipino? At sa lahat ng mga kabaluktutuang ating nakikita at naririnig , hindi dapat tayo mag maang-maangan lamang kundi magkuwestiyon. Huwag matakot at gawin ang nararapat para makapag-ambag sa solusyon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s