SONA Lang Talaga

Ang State of the Nation Address, o ang SONA nga kung tawagin, ay isang tauhang paguulat ng ating pangulo sa kasalukuyang kondisyon ng Pilipinas. Ang maaaring maisama sa paguulat na ito ay ang mga polisiyang ipinatupad, mga napagtagumpayang proyekto, mga plano para sa hinaharap at iba pa. Ang paguulat na ito ay ginagawa sa magkasamang sesyon ng Mataas at Mababang Kapulungan at ito rin ang hudyat ng paguumpisa ng sesyon ng Kongreso.

Noong ika-22 ng Hulyo ay humarap na naman si Pangulong Noynoy (PNoy) Aquino sa harap ng mga mambabatas, mga dignitaryo, mga kawani ng gobyerno, at sa buong sambatanang Pilipino para sa kanyang ika-apat na SONA.

Ang unang masasabi ko ay muling sa Filipino na naman inulat ng ating Pangulo ang kanyang SONA. Para sa akin ay napakaimportanteng mapansin ito. Dahil sa Filipino niya ito inuulat, mas maiintindihan ito ng mga ordinaryong mamamayang Pilipino. Kumpara sa mga SONA noong panahon ng Pangulong Arroyo na ginagawa niya sa Ingles o sa lenggwahe ng mga technocrats. Parang sa mga SONAng iyon ay ang kinakausap niya ay ang mga banyagang investors kaysa sa mga mamamayang Pilipino. Uulitin ko, importanteng naiintindihan ng ordinaryong Pilipino ang SONA dahil sinasaad dito ang kondisyon at mga problema ng bansa at mga planong hakbang ng gobyerno na siguradong makaaapekto sa mga mamamayan. Ito siguro ang dahilan kung bakit pinili kong hindi sa Ingles isulat ang sarili kong pagaanalisa sa SONA. Nais ko lang pagigtingin ang kahalagahan ng paggamit ng ating Pambansang Wika.

Bago magumpisa ang SONA ay nakatutok na ko sa ilang mga estasyon ng telebisyon at pati na rin sa ilang social media websites para alam ko ang mga nangyayari sa kongreso at pati na rin sa mga lansangan sa paligid ng Batasan. Ang kapansing-pansing balita ay ang patungkol sa ilang nagrarally. Sa totoo lang, minsan ay hindi ko naiintindihan ang mga nagrarally nang ganoon. Alam ko na nais lamang nilang mapansin sila at maaksyonan ang kanilang mga hinain, ngunit naniniwala ako na maraming ibang paraan para maiparating sa pangulo ang mga problema. Hindi na kailangan pang magkagulo o magsunog nang kung anu-ano pa tulad ng ginawa nila. Ngunit may pinapahiwatig ito. Pinapahiwatig nito na hindi masaya ang maraming Pilipino sa pamamalakad ng kasalukuyang administrasyon.

Ang isa ring binigyang pansin bago magumpisa ang SONA ay ang fashion in the Congress. Hindi ko lubos maintindihan kung bakit kailangan pang pagtuunan ng pansin ang mga suot ng mga mambabatas. Sige, sabihin na nating mahalagang ipagmalaki ang mga gawang Pinoy, ang disensyo ng mga Filipino designers na nagpapakita ng ating kultura, pero masyadon nilang ginagawang parang fashion show ang SONA. Masyadong nawawala na ang atensyon sa nilalaman ng SONA na magsasabi ng mga ginagawa para matugunan ang mga problema ng bansa. Sa medaling salita, ang daming problema ng Pilipinas, ano bang pakialam ko sa mga magagarang suot ng mga mambabatas. Sa isang istayon nga ng telebisyon ay pinakita ang irony nito. Nang nagsasalita ang pangulo, pinakita sa estasyong ito ang tatlong iba’t-ibang footage. Ang isa ay pinapakita ang kaguluhan sa may Batasan, ang isa ay pinapakita ang mga artistang nagsidalo, ang mga mambabatas na magagara ang suot at sa pangatlo si Pangulong Aquino. Nakakatuwang isipin na habang may mga taong hindi natutuwa sa kasalukuyan nilang kondisyon, yung mga taong dapat gumagawa ng hakbang para sa ikabubuti nila ay nagpapasiklaban ng kanilang mga suot at iba pang alipores. Kung mas maganda ba ang suot nila ay mas bibilis ba ang pagpasa ng mga importanteng batas o ang pagsasagawa ng mga importanteng proyekto para sa marming problema ng Pilipinas? Hindi naman di ba. Kaya sana ay hindi na lamang ito masyadong pinagtuunan ng pansin dahil hindi naman ito ang point ng SONA.

Ang point ng SONA, gaya nga ng sabi ko sa itaas, ay maiulat ang kabuoang kondisyon ng Pilipinas, ang mga problema pa nit at kung paano ito sosolusyonan. Ang ilan sigurong highlights ng SONA sa taong ito ay ang mga sumusunod:

1)    Kalusugan:

  • Ipinagmalaki ng pangulo ang pagtaas ng porsyento ng mga mamamayang Pilipino na nakakatanggap ng beneisyo mula sa PhilHealth. Pinagmalaki niya rin ang pagdami ng mga benepisyong natatanggap ng mga mamamayan.

2)    Edukasyon:

  • Binanggit ni PNoy ang pagbaba ng presyo ng mga libro at ang paglalaan ng pera para sa pagpapaayos ng mga silid-aralan.

3)    Turismo:

  • Dumami ang bilang ng mga turistang dumadayo sa Pilipinas at ngayon ay direktang makakalipad na ang mga Pilipino sa Europa.

4)    Kapayapaan:

  • Napirmahan na ang ikalawang annex ng Bangsamora Framework Agreement. Isa na itong malaking hakbang tungo sa tuloy-tuloy na kapayapaan sa Mindanao.

5)    Ekonomiya:

  • Syempre hindi makakalimutang banggitin ng pangulo ang magandang paglago ng ekonomiya. Sinasabing tayo ang may pinakamataas na growth rate sa Silangang Asya.

Ang mga ito at marami pang iba ang mga nabanggit ng ating pangulo. Ngayon, walang administrasyon na perpekto. Walang administrasyon ang tunay na mapapasaya ang lahat ng mamamayang Pilipino. Sabi nga nila: “you can’t please everybody”. Totoo ito. Ang mga nabanggit ko sa itaas ay ilan nga sa mga masasabing good news mula sa SONA, ngunit gaya nga ng sabi ko ay hindi kaya  ng administrasyong ito (o kahit ano pa mang administrasyon) na mapasaya ang lahat, at isa na nga ako roon. May mga ilang punto siguro akong hinihintay mula sa kanyang paguulat na hindi niya nabanggit. May ilang mga nabanggit na solusyon na kulang para sa akin at may mga treatment  siya sa ilang issues na hindi rin “swack” para sa akin. Ngunit, may isang bagay na nagtugma kaming dalawa at ito ang pagkilala niya sa importanteng role ng mamamayang Pilipino para sa ikabubuti ng sarili niyang bansa.

Sinabi ni PNoy na oo, totoo nga na nariyan ang gobyerno upang tulungan tayo. Nariyan ang gobyerno upang siguraduhin na lahat ng ating karapatan ay matutugunan, ngunit kailangan nating maintindihan na tayo mismo na ay nararapat na tumulong para sa ikauunlad ng ating bansa. ‘Wag lang tayong asa lamang nang asa sa gobyerno. Gumawa rin tayo ng paraan para sa atin dahil sa huli, tayo rin naman ang makikinabang dito.

So SONA nakikita natin kung gaano na kalayo ang ating narating, ngunit pinapakita rin nito na malayo-layo pa ang kailangan nating tahakin.  Kaya nga kailangan ang tulong ng lahat ng mamamayang Pilipino upang makamtan ang tunay na pagbabago.

Tinapos ni PNoy ang kanyang SONA sa mga nsalitang “Ako po si Noynoy Aquino; ipinagmamalaki ko sa buong mundo: Pilipino ako. At talagang napakasarap maging Pilipino sa panahong ito.” Totoo, napakasarap ngang maging Pilipino at pag narinig mo ang mga katagang ito ay parang magiging optimistic tungkol sa hinaharap ng ating bansa. Ngunit, gaya nga ng sabi ko sa itaas, malayo-layo pa ang  kailangan nating tahakin. Ang tanging hiling ko lamang ay sana maging tuloy-tuloy na ang pagunlad ng ating bansa. Sana magtulungan ang lahat para sa ikabubuti ng sambayanan. Sana lang talaga, ang SONAng ito ay hindi lang puro salita, ngunit may mga katumbas na aksyon na siyang tutugon sa napakaraming problema ng ating bansa. Sana ang SONA ay hindi SONA lang talaga, ngunit ang maging simula ng pagbabago at tuloy-tuloy na paglago at pagangat ng buhay ng mga Pilipino.

-Samantha Cinco

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s